Biglaang pagbababa sa NCR sa Alert Level 2, ikinabahala ng isang health expert

Nababahala ang isang health expert sa posibleng pagtaas muli ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila kasunod ng biglaang pagsasailalim dito sa Alert Level 2.

Ayon kay dating National Task Force Against COVID-19 Special Adviser Dr. Tony Leachon, suportado naman niya ang pagbababa ng COVID-19 Alert Level sa NCR para muling buhayin ang ekonomiya at makabalik ang marami sa kanilang trabaho.

Pero aniya, mas mainam kung ipinatupad ito sa November 15 para mas makapaghanda ang gobyerno at maiwasan din ang biglaang paglalabasan ng mga tao.


Dagdag pa ni Leachon, kahit nasa safe zone na ang healthcare utilization sa bansa ay nananatili pa ring mataas ang bilang ng mga namamatay.

Kaya panawagan niya, higpitan ang pagbabantay sa galaw ng mga tao, pataasin ang COVID-19 testing at pabilisin ang pagbabakuna lalo na sa mga matatanda.

Facebook Comments