Cauayan City, Isabela- Ikinaalarma ni pinuno ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Batanes.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, ikinalulungkot at naaalarma ito sa pagsipa ng COVID-19 cases sa Batanes dahil na rin sa wala aniyang kakayahan ang Batanes General Hospital na mangasiwa ng severe cases.
Gayunman ay nakahanda naman aniya ang CVMC na tanggapin ang severe cases mula Batanes.
Nagpadala na kahapon ng mga Personal Protective Equipment (PPE) ang CVMC bilang tulong sa mga healthcare workers sa lalawigan ng Batanes.
Naniniwala naman si Dr. Baggao na namomonitor din ng DOH ang sitwasyon ng Batanes at makikipag-ugnayan din aniya siya kay OCD Regional Director Harold Cabreros para sa iba pang tulong na ibibigay sa sa nasabing probinsya.
Ayon pa kay Dr. Baggao, isa aniya sa dahilan kung bakit biglang dumami ang kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ay dahil sa bagyong Kiko.
Kaugnay nito, as of September 21, 2021, nasa 156 ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 sa Batanes.
Una nang ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Lalawigan ng Batanes na magtatagal hanggang ika-4 ng Oktubre taong kasalukuyan.