BIGO | Kahilingan ni Napoles na makapagpyansa sa kasong plunder, ibinasura ng Korte Suprema

Manila, Philippines – Mananatili sa kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Taguig si pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.

Ito ay matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang pagbasura ng Sandiganbayan sa apela ni Napoles na payagan siyang makapagpyansa sa kasong plunder.

Nabigo raw kasi si Napoles na magprisinta ng mga bagong argumento para mabaligtad ang desisyon ng Korte Suprema.


Hindi rin anila tama na gawing batayan ni Napoles ang naunang resolusyon ng Korte Suprema laban kay dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Arroyo na inihain ng Office of the Ombudsman.

Hindi namam daw kasi isinama ni Napoles sa kanyang petition for bail ang pagkwestiyon kung may “proof beyond reasonable doubt” sa akusasyon na nakinabang siya sa PDAF scam.

Magugunitang si Napoles ay naabswelto na sa kasong serious illegal detention matapos ibasura ng Court of Appeals ang kaso laban sa kanya noong Mayo ng nakaraang taon.

Pero dahil sa kabi-kabilang kasong plunder, hindi nakalaya si Napoles at mula sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City ay iniutos ng Sandiganbayan na ilipat siya sa Camp Bagong Diwa.

Facebook Comments