BIGO | Panukalang ibaba sa 10 percent ang VAT, hindi lumusot

Manila, Philippines – Inamin ni Senator Panfilo Ping Lacson na siya ay nakaramdam ng kabiguan makaraang hindi suportahan ng mga kasamahang senador ang panukala niyang ibaba sa 10% ang kasalukuyang 12% na Value Added Tax o VAT sa mga produkto at serbisyo.

Kabilang ito sa panukala ni Lacson na amendments sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN na itinutulak ng Malacañang.

Ayon kay Lacson, frustrated siya kasi pinaghirapan niya at ng kanyang staff ang research at computation para sa kanyang mungkahi.


Giit ni Lacson, masyadong mataas ang kinoklektang VAT sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa, tulad ng Malaysia na 6 percent lang at Thailand na 7 percent lang.

Giit ni Lacson, maaari na nating ibaba ang VAT dahil maganda na ang ekonomiya at nasa 6.9 porsiyento na ang Gross Domestic Product (GDP) growth nito.

Ipinaliwanag ni Lacson na ang mawawalang kita ng gobyerno kapag ibinaba ang VAT, ay mababawi kapag binawasan ang 143 na nakikinabang sa VAT exemptions simula pa noong 1992.

Mungkahi ni Lacson, alisin na ang 78 sa listahan ng tax exemptions na magbibigay sa gobyerno ng karagdagang P117 bilyon pesos na koleksyon.

Facebook Comments