Kasunod ng inilulutang na muling pagbuhay sa parusang kamatayan.
May naisip na aniya si Pangulong Rodrigo Duterte na paraan upang ito ay ipatupad .
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel & Spokesperson Salvador Panelo kung si Pangulong Duterte ang tatanungin, bitay sa pamamagitan ng bigti o paggamit ng lubid para makatipid o kaya ay ineksyon ang maaari nitong pamilian para sa pagpapatupad ng capital punishment.
Ayon kay Panelo, gustong ipabuhay ng pangulo sa mga mambabatas ang death penalty bill, dahil na rin sa matinding problema ng bansa sa iligal na droga at ang matinding korapsyon sa gobyerno.
Paliwanag pa ni Panelo na posibleng sertipikahan ang panukalang death penalty bilang urgent bill.
Kung matatandaan, naghain sa senado ng panukalang death penalty si Senador Christopher Bong Go laban sa mga drug traffickers at mga mandarambong.