Bigtime oil price hike, nagbabadya ngayong linggo; OPEC, nagtaas na ng produksyon

May nagbabadya na namang panibagong bigtime oil price hike ngayong linggo.

Ayon sa kumpanyang Unioil, nasa P6.40 hanggang P6.70 ang itataas sa kada litro ng diesel.

Maglalaro naman sa P5.15 hanggang P5.30 ang itataas sa kada litro ng kerosene habang P2.65 hanggang P2.80 sa gasolina.


Ang panibagong oil price hike ay bunsod ipinataw na oil ban ng ilang European countries sa Russia na nagresulta ng kakulangan ng suplay sa world market.

Samantala, ayon kay Department of Energy Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad, itinaas na ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa 600,000 barrels per day mula sa dating 400,000 barrels ang kanilang buwanang produksyon ng langis para sa mga buwan ng Hulyo at Agosto.

Pero inaasahang ipatutupad ito ng OPEC hanggang sa katapusan ng Setyembre.

“Nakita na natin ang aksyon ng OPEC, ito’y yung kanilang pangakong 400,000 a month na increase per day of production. Nakita na nila na talagang may kakulangan so nag-increase sila to 600,000. That’s the first mitigating na nakita natin sa international market,” ani Abad sa panayam ng DZXL558 RMN Manila.

Batay naman sa obserbasyon ng ahensya, sinabi ni Abad na hindi masyadong makaaapekto sa presyuhan ng petrolyo sa susunod na linggo ang naturang dagdag produksyon.

“Tiningnan natin ang naging behavior ng trading price, parang wala siyang epekto e. Parang binalewala lang ng market yung kanilang pronouncement ng increase na ‘to. So, nakikita natin, next week wala siyang gaanong epekto e, wala na siyang gaanong relevance in terms of the price. But let see, comes July kasi this will be sa actual production ng increase nay an kung meron nga siyang epekto do’n. Pero so far, yung tinatawag na speculations, speculative ng market, e wala siyang bent na nagawa,” dagdag pa ni Abad.

Facebook Comments