May nakaamba na namang taas-presyo sa mga produktong petrolyo sa Martes, isang araw pagkatapos ng eleksyon.
Ayon sa oil industry, maglalaro sa P4.30 hanggang P4.50 ang inaasahang taas-presyo sa kada litro ng gasolina habang P3.80 hanggang P4.00 sa diesel.
Bukod dito, magmamahal din ang presyo ng kada litro ng keronese na aabot sa P4.65 hanggang P4.85 kada litro.
Ang mga pagtaas ng presyo ay kasunod ng galaw ng presyo ng langis noong nakaraang linggo kaugnay ng pangambang magambala ang suplay dahil sa kagustuhan ng European Union (EU) na ipagbawal ang langis ng Russia.
Isa rin sa nakikitang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langus ay ang itinutulak na pagpasa sa isang panukalang batas sa Senado ng Estado Unidos – ang NOPEC Bill – na layong magsampa ng kaso laban sa Organization of the Petroleum Exporting Countries at sa mga kaalyado nitong producer (OPEC+) dahil sa umano’y pagmamaneobra sa suplay na nagreresulta ng pagtaas ng presyo ng langis sa world market.
Samantala, ito na ang ika-15 linggong magkakaroon ng malakihang taas-presyo sa langis ngayong taon.