
CAUAYAN CITY – Kinumpirma ng Police Regional Office 2 (PRO2) na isang bihasang sniper ang nasa likod ng pamamaril na ikinasawi ni Mayor Joel Ruma habang nagsasagawa ng campaign rally.
Sa isinagawang press briefing ng PRO2, inilahad na isang bala lamang ang tumama sa alkalde. Tumagos ito sa kanyang dibdib at lumabas sa ibabang bahagi ng likod, patunay umano sa mataas na antas ng kasanayan ng gunman.
Ayon pa sa mga nakasaksi, may nakita silang laser light na nakatutok sa katawan ng alkalde bago ito tinamaan ng bala, na lalo pang nagpapatibay sa hinalang sniper ang may kagagawan ng krimen.
Iginiit ni PBGen. Marallag na hindi ordinaryong mamamaril ang suspek, kundi isang sanay at eksperto sa paggamit ng sniper rifle.
Noong Mayo 1, inihatid sa kanyang huling hantungan si Mayor Ruma ng kanyang pamilya, mga kaanak, kaibigan, at mga taga-suporta.
Samantala, tiniyak ng kapulisan na patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang salarin at agarang makamit ang hustisya para sa pinaslang na opisyal.









