Isinusulong ng Pasay City Local Government Unit ang pagbibisikleta sa lungsod bilang alternatibong “single-rider transportation” sa kasalukuyang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at hanggang sa pag-iral ng ‘new normal’.
Ito ay bilang solusyon sa problema sa “limited means for mobility” habang nakasuspinde ang mga public mass transportation.
Ayon sa Pasay City Government, maraming eksperto sa bansa at sa buong mundo ang nagsasabing kahit ma-contain na ang COVID-19 pandemic ay patuloy pa ring ipatutupad ang ilang health protocols.
Kabilang dito ang physical distancing at pag-iwas sa pagdikit sa mga “high-touch surfaces,” kung saan mahirap matiyak sa public mass transport na sinasakyan ng maraming katao araw-araw.
Maglalagay rin ang Pasay LGU ng “bike lanes” sa mga pangunahing kalsada patungo sa mga lugar at establisyimento na karaniwang dinadagsa ng tao tulad ng pampubliko at pribadong palengke, tanggapan ng pamahalaan, at long-distance transport hubs tulad ng airport, MRT at LRT stations, at bus terminals.
Hihikayatin din ng LGU ang mga may-ari at operator ng mga establisyimento na maglaan ng libreng bike parking area na may chaining rails o pagkakandaduhan ng bisikleta, may sapat na ilaw, at may CCTV at roving security.