Manila, Philippines – Umapela si Mary Jane Veloso, ang Overseas Filipino Worker (OFW) na nasa death row sa bansang Indonesia kay Pangulong Rodrigo Duterte na payagan siyang makatestigo laban sa kanilang mga recruiter.
Ito’y matapos maglabas ng desisyon ang Court of Appeals na pumipigil sa pagbibigay ni Veloso ng testimonya sa labas ng korte.
Ayon kay Veloso, nais niyang patunayan na wala siyang kasalanan at biktima lang siya ng illegal recruiters na sina Christina Sergio at Julius Lacanilao.
Kasabay nito, tumanggi ang Malacañan na tumugon sa panawagan na hilingin sa Indonesian government ni Duterte ang clemency o maalis sa death row si Veloso.
Noong 2016, sinabi ni Duterte na makikiusap siya kay Indonesian President Joko Widodo para sa kaso ni Veloso.
Pero matapos ang pagpupulong nila noon ni Widodo sa Indonesia, tumanggi si Duterte na magbigay pa ng detalye kung napag-usapan ang kaso ni Veloso.
Dati nang sinabi ni Widodo na maaaring magkaroon ng clemency si Veloso pero nakadepende pa rin ito sa magiging hatol ng kanilang korte.