Biktima ng Dengue, Patuloy ang Pagdagsa sa Cagayan Valley Medical Center!

Umabot na sa limangdaang (500) pasyente na biktima ng dengue ang nagpapagamot ngayon sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Glen Mathew Baggao, pinuno ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC), batay aniya sa kanilang record mula sa buwan ng Enero hanggang sa kasalukuyang buwan ay mayroong tinatayang 500 na biktima ng dengue ang naidala sa kanilang pagamutan at lima (5) na rito ang nasawi.

Kaugnay nito, nagsagawa ng emergency meeting sa Clark, Pampanga ang mga pinuno ng ospital sa Luzon kasama ang DOH upang pag-usapan ang tumataas na kaso ng dengue sa bansa at malaman ang mga aksyon na ginagawa ng kanilang pagamutan maging sa mga LGU’s at RHU’s.


Dagdag pa ni Dr. Baggao, mayroon din aniya silang 56 pasyenteng na-admit sa kanilang pagamutan na nangangailangan ng Platelet subalit sapat naman aniya ang kanilang suplay na isinasaling platelets at dugo sa mga pasyente dahil na rin sa patuloy na pag-iikot ng kanilang bloodletting team sa mga blood donors upang makalikom ng sapat na suplay ng dugo.

Paalala naman ng DOH sa publiko na panatilihin lamang na malinis ang kapaligiran at maging aware sa mga sintomas ng pagkakaroon ng sakit na dengue.

Kung sakaling mapansin ang mga sintomas ng dengue sa isang tao ay agad itong dalhin sa ospital upang maagapan ito.

Samantala, malaking tulong aniya ang kanilang Malasakit Center sa Lungsod na nagsisilbing one stop office para sa mga pasyenteng walang kakayahang magbayad para sa kanilang pagpapagamot.

Facebook Comments