Biktima ng human trafficking na tinangkang palabasin ng bansa, naharang ng BI sa NAIA

Naharang ng Bureau of Immigration (BI) ang biktima ng human trafficking na tinangkang palabasin ng bansa gamit ang mapanlinlang na “travel route”.

Ito’y upang makaiwas sa masusing pagsusuri ng mga immigration officer.

Ayon kay Viado, naharang ang isang 31-anyos na babaeng biktima na nagtangkang bumiyahe palabas ng bansa gamit ang pekeng itinerary para sa ilegal na pagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), idineklara ng pasahero na siya ay unang beses pa lamang pupunta sa Hong Kong para sa umano’y sariling bakasyon.

Ngunit napansin ng mga immigration officer na hindi totoo ang sinasabi nito at hindi validated ang kanyang airline ticket, kaya’t isinailalim siya sa masusing imbestigasyon.

Sa karagdagang pagtatanong, inamin ng babae na siya ay ni-recruit upang magtrabaho bilang Customer Service Representative (CSR) sa Thailand, kapalit ng pangakong sahod na P50,000 kada buwan.

Pinaniniwalaan ng BI na ang biktima ay ni-recruit upang maging catphisher sa isang scam hub sa labas ng bansa.

Ang biktima ay isinailalim na sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong at rehabilitasyon, habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang mga recruiter na sangkot sa naturang operasyon.

Facebook Comments