Isa pang Pilipino ang nabiktima ng human trafficking sa bansa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng biktimang si “Gio” na inalok ng isang recruiter na si ‘Liza’ bilang customer service representative sa Thailand, na may ₱100,000 bawat buwan.
Noong September 22, kasama ni Gio ang dalawa pang kaibigan nang umalis sila sa Pilipinas at sinasabing magbibiyahe lamang sila sa Thailand.
Hiningan din aniya ng ₱20,000 ang biktima para sa kanyang travel expenses na ibabawas sa kanyang suweldo.
Nang makarating sa Thailand, inilipat si Gio sa Myawaddy, Myanmar na nasa hangganan o border lamang ng Thailand.
Pinilit umano itong magtrabaho bilang online love scammer sa pamamagitan ng paghikayat sa mga dayuhang biktima na mag-invest sa pseudo cryptocurrency accounts.
Sa halip na ₱100,000, binigyan lamang siya ng ₱60,000 na suweldo kada buwan sa loob ng anim na buwan.
Nakalaya lamang ito matapos magbigay ng ₱200,000 na nakalap mula sa pamilya at mga kaibigan ng biktima.