Ipinasakamay na sa Inter-Agency Council against Trafficking ang isang biktima na naman ng illegal recruitment na iligal sanang magtatrabaho sa Europe.
Ang 36 years old na babaeng biktima ay naharang ng mga personnel ng Bureau of Immigration (BI) at nagpanggap itong ‘pasabuy’ seller.
Tinangka ng biktimang tumulak sa Hong Kong sa pamamagitan ng Philippine Airlines flight at babiyahe ito para sa kanyang ‘ukay-ukay’ at ‘pasabuy’ business.
Nagpanggap din itong nagtatrabaho sa local apparel company at nagprisinta ng pekeng certificate of employment.
Pero nahalata ng mga Immigration officer ang hindi magkakatugmang pahayag ng biktima kaya agad isinalang sa secondary inspection.
Sa isinagawang inspection, inamin ng biktima ang kanyang mga travel documents ay ipinadala lamang sa Facebook Messenger at nagprisinta ito ng pekeng mga dokumento.
Ang kanyang pasaporte ay mayroong Malta employment visa sa kabila ng nauna nitong pahayag na bibiyahe siya bilang turista.
Kalaunan ay inamin din ng biktimang may nag-alok sa kaniya para iligal na magtrabaho bilang caregiver sa Malta sa pamamagitan ng job hunting website.