Binawian na ng buhay ang isang babaeng biktima ng panggagahasa sa India na sinunog habang patungong korte upang tumistigo laban sa mga suspek.
Pasakay na sa tren sa Uttar Pradesh ang 23-anyos na dadalo sana sa pagdinig ng kanyang kaso noong Huwebes nang buhusan umano ito ng kerosene at silaban, ayon sa pulisya.
Nagtamo ng mga saksak, bugbog at sunog ang 95 porsyente ng katawan ng biktimang namatay noong Biyernes sa atake sa puso, ayon sa doktor ng ospital sa New Delhi.
Naaresto ng awtoridad ang limang kalalakihan, kabilang ang dalawang nakalaya matapos magpiyansa.
Isa sa mga suspek ang nagkunwaring yayayaing magpakasal ang babae, ngunit sa halip ay ginahasa ito noong Disyembre nakaraang taon, ayon sa Times of India.
Nagsiklab naman ng protesta ang pagkamatay ng biktima mula sa oposisyong sinisisi ang pamahalaan na bigo raw sa pagpapatigil ng karahasan kontra kababaihan.