Kinikilala nina Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na isang election battleground ang probinsyang ito kaya naman pursigido silang makuha ang boto ng 3.2 milyong rehistradong botante na Cebuano.
Umaasa ang dalawang mambabatas sa tulong ng kanilang mga kaalyado sa politika kabilang si Governor Gwendolyn Garcia, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Cebu para makakalap ng suporta para sa kanilang kandidatura at mga isinusulong na adbokasiya, partikular ang pagtatanggal ng kotong sa gobyerno.
Pinamumunuan ni Governor Garcia ang ‘One Cebu,’ ang dominanteng political party sa probinsya na kasalukuyang kaalyado ng PDP-Laban. Inaasahan na magkakaroon ng pagbabago sa pakikipag-alyansa ang ‘One Cebu’ dahil sa nagpapatuloy na gusot sa mga miyembro ng PDP-Laban.
Alam nina Lacson at Sotto na mahalaga ang pag-endorso ng mga lokal na opisyal sa mga probinsya at tatanggapin nila ang lahat ng suporta na ibibigay sa kanila. Gayunman sinabi ng Partido Reporma presidential bet na mas umaasa sila sa kapangyarihan ng indibidwal na desisyon ng mga botante.
“Kung hindi namin makuha ang endorsement, I guess we will have to work harder and go down to the grassroots. Sabi nga niya, ‘yung makapangyarihan naman talaga ‘yung individual voters e; hindi naman ‘yung endorsement coming from one particular government official or local official,” ani Lacson sa mga mamamahayag.
Dagdag niya, “Pero it doesn’t mean na hindi naman kailangan ‘yung endorsement ni Governor Gwen. As I mentioned earlier, wala pa naman siyang commitment at least officially.”
Si Lacson ay hinirang na adopted son ng probinsya alinsunod sa Cebu City Council Resolution na ipinasa noong 1991. Nagsilbi siya bilang commander ng Cebu Metropolitan District Command (Metrodiscom) mula 1989 hanggang 1992 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulo Corazon Aquino.
Habang si Sotto ay nagmula sa Cebu kung saan kapwa naging prominente sa politika ang kanyang ama at lolo. Ang provincial government hospital na Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City ay ipinangalan sa kanyang namayapang lolo.
Ayon kay Sotto, higit 40 lokal na pamahalaan sa probinsya ang makikinabang mula sa kanilang isinusulong na Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) program dahil susuportahan nito ang pagpapaunlad sa mga maliliit na komunidad na nakabatay sa kanilang pangangailangan at prayoridad.
Dumating sa Cebu ang tambalang Lacson at Sotto bandang alas-9:00 ng umaga (Disyembre 10) para simulan ang kanilang Visayas tour na magtatagal hanggang sa Linggo. Agad silang dumiretso sa kani-kanilang mga headquarters na itinatag ng kanilang mga provincial campaign teams.
Pinangunahan nina Lacson at Sotto ang inagurasyon ng kanilang mga campaign HQ at nakipagkita sa kanilang mga supporter.
Ayon sa 62-anyos na si Violeta Romero mula Mabolo, Cebu, matagal na siyang supporter ng dalawang senador, partikular kay Sotto. Nagpunta silang magkakapitbahay sa campaign HQ upang makita at personal na ipakita ang kanilang pagsuporta sa Lacson at Sotto tandem.
“Mabait noon hanggang ngayon, matulungin sa mga mahihirap, full support kami sa kanila…,” sagot ni Romero nang tanungin kung bakit niya sinusuportahan sina Lacson at Sotto.
Tumatakbo si Lacson bilang presidente sa ilalim ng Partido Reporma at ka-tandem si Sotto na mula sa Nationalist People’s Coalition. Kasama nila ang mga senatorial candidate na sina Dr. Minguita, Monsour del Rosario at retired General Guillermo Eleazar, gayundin si Partido Reporma president at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.