
Umakyat na sa 299,786 na indibidwal o 92,590 na pamilya ang naiulat na naapektuhan dulot ng pagtama ng Bagyong Ramil ayon sa Department of Social Welfare and Development – Disaster Response Management.
Mula ang nasabing bilang sa 772 na barangay sa Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region, Western Visayas, at Eastern Visayas na tinamaan ng bagyo.
Ayon sa ahensya, 3,913 na pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers habang 1,705 ang naninirahan naman sa kani-kanilang mga kaanak o kaibigan.
Samantala, umabot na sa P19,706,841 ang kabuuang humanitarian assistance ng DSWD sa mga apektadong rehiyon dulot ng Bagyong Ramil.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Irene Dumlao na patuloy ang kanilang pamamahagi ng kanilang ahensya na lubos na napektuhan ng bagyo partikular na ang Western Visayas.
Dagdag pa niya na nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan na masiguro na nasa maayos na kalagayan ang mga internally displaced persons na nananatili sa evacuation centers at pati na rin sa mga pansamantalang nanunuluyan sa kani-kanilang mga kaanak at kaibigan.









