Cauayan City, Isabela- Umaabot sa mahigit 19,000 na baboy ang isinailalim sa culling sa buong Cagayan Valley dahil sa epekto ng 2nd wave ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA) region 2, umabot na sa 19,676 ang kabuuang bilang ng alagang baboy na isinailalim sa culling sa tatlong lalawigan.
Mas marami pa rin ang naitalang bilang sa lalawigan ng Isabela partikular sa mga bayan ng Reina Mercedes, Luna, Cabatuan, Roxas Aurora at Quezon at sa lungsod ng Cauayan kung saan mahigit 1,000 baboy ang na-cull.
Maliban dito, apektado na rin ang lalawigan ng Quirino dahil sa apat na bayan ang apektado ng ASF na kinabibilangan ng Saguday, Diffun, Cabarroguis, Aglipay, habang 5 sa Cagayan at 23 sa Isabela.
Umabot naman sa 288 na barangay ang apektado ng ASF mula sa 35 bayan at lungsod sa region 2.
Kinumpirma din ni Edillo na may mga hograisers pa rin ang hindi nabigyan ng ayuda mula sa first wave ng ASF sa rehiyon.
Hiniling na ngayon sa Department of Agriculture Central Office ang pondong nagkakahakaga ng P2 million para sa pagbibigay ng ayuda sa unang apat na bayan hanggang sa makumpleto ito.
Wala naman ng panibagong positibong kaso ng ASF sa lalawigan ng Nueva Vizcaya partikular sa bayan ng Bayombong.
Nananatili namang ASF-Free ang lalawigan ng Batanes.