Nadagdagan pa ang mga barangay na may kaso ng COVID-19 sa Bontoc, Mountain Province.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Bontoc Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Lourdes Claire Peel, mula sa apat na barangay ay umakyat na ngayon sa lima ang may mataas na kaso ng COVID-19.
Apat dito aniya ang naka-lockdown ngayong na kinabibilangan ng Samoki, Bontoc Ilim, Caluttit at Poblacion matapos magpositibo sa UK variant ang labing dalawang residente nito.
Sinabi ni Peel na isang intensive contact tracing, katuwang ang Department of Health at national government ang isinasagawa nila upang mahanap ang lahat ng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa bagong variant.
Pero aminado ang opisyal na posibleng ma-extend ang umiiral na localized lockdown kung hindi matatapos ang contact tracing hanggang Jan. 31, 2021, batay na rin sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force.
Ngayong araw, magsisimula na ang mass testing sa mga residente sa Bontoc kung saan umabot na sa 412 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar.