Bilang ng barko ng China na naispatan sa Escoda Shoal, halos nag-triple

Tumriple ang bilang ng barko ng China na na-monitor sa Escoda o Sabina Shoal sa West Philippine Sea mula Agosto 20 hanggang 26.

Sa nabanggit na panahon, 53 barko ng China na binubuo ng 40 Chinese Maritime Militia Vessel (CMMV), anim na People’s Liberation Army Navy (PLAN) at pitong Chinese Coast Guard Vessel ang na-monitor sa nabanggit na lugar.

Ito ay malaking pagtaas mula sa 19 na barko ng China na binubuo ng 12 CMMV, dalawang PLAN, at limang CCGV na na-monitor sa naunang linggo mula Agosto 13 hanggang 19, 2024.


Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang paglobo ng bilang ng mga barko ng China sa lugar ay para hadlangan ang legal na operasyon ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa WPS.

Kapansin-pansin din aniya sa mga nakalipas na araw ang agresibong pagkilos ng mga barko ng China laban sa mga barko ng PCG at BFAR.

Bilang tugon, sinabi ni Trinidad na pinalakas ng Philippine Navy ang kanilang presensya, hindi lamang sa Escoda o Sabina Shoal kundi maging sa iba pang features ng WPS na kontrolado ng Pilipinas.

Facebook Comments