Bilang ng benepisyaryo ng Walang Gutom Program ng DSWD, plano pang dagdagan sa mga susunod na taon

Matapos maging matagumpay ang food stamp program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), plano pa na palawakin pa ito ngayong taon.

Sa ginawang pagbisita ni DSWD Sec. Rex Gatchalian sa Food Redemption area sa Tondo, Maynila, sinabi nito na ngayong taon ay magdaragdag sila ng bilang ng pamilya na isasailalim sa programa.

Aniya, bukod sa naunang 300,000 na bilang ng pamilya, maisasama rin sa walang gutom program ang dagdag na 300,000 sa third o fourth quarter ng taon.

Bukod dito, isasama na rin ang nasa 150,000 sa susunod na taon para makumpleto ang target na 750,000 na pamilya sa ilalim ng programa.

Nabatid na ang pahayag ng DSWD hinggil sa tagumpay ng programa ay base na rin sa lumabas na resulta ng SWS survey na epektibo ito kaya’t nais ng ahensya na ito ay palawakin.

Sinabi pa ng Kalihim na nasa 900 retailers ang kanilang nakatuwang sa programa para makapag-avail ang mga beneficiary ng mga masusustansyang pagkain.

Facebook Comments