Bilang ng boto para sa Anti-Terrorism Bill, itinama ng Kamara

Itinama ng Kamara ang bilang ng mga boto para sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill.

Nabatid na inaprubahan na ito nitong Miyerkules sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Sa plenary session, sinabi ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales na mayroong correction sa resulta ng nominal voting para sa House Bill 6875 na layong amiyendahan ang Human Security Act of 2007.


Aniya, nagkaroon ng technical error sa pagre-record ng electronic votes.

Ang pinal na resulta ay: 168-Yes, 36-No, at 29-Abstention, mula sa dating 173-31-29.

Ang pagwawasto sa bilang ng boto ay hindi nakaapekto sa status ng panukalang batas sa mababang kapulungan.

Sa ilalim ng panukala, makukulong sa loob ng 12 taon ang mga magbabanta at gagawa ng terorismo, maging ang mga mag-uudyok na gumagawa nito.

Makukulong din ng 12 taon ang mga sasali sa anumang terrorist group o organization.

Inaalis din nito ang probisyon sa pagbabayad ng ₱500,000 na halaga ng pinsala sa sinumang maling naakusahan o napagbintangan.

Maaaring ikulong ang suspect kahit walang warrant of arrest ng hanggang 24 na araw.

Makakapagsagawa rin ng 60-araw na paniniktik ang pulisya at militar sa suspected terrorist at maaaring palawigin ng hanggang 30 araw kapag pinahintulutan ito ng Court of Appeals.

Ang panukalang batas ay sinertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments