Bilang ng bumisita sa Bagbag Public Cemetery, tinatayang umabot na sa mahigit 20,000 katao; paglilinis at pagpipintura ng mga puntod, hanggang ngayong araw na lang

Tinatayang umabot na sa humigit-kumulang 21,000 libong katao ang bumisita sa Bagbag Public Cemetery ngayong nalalapit na Undas.

Ayon kay Luisito Masagca Jr., Security-in-charge supervisor ng sementeryo ay mula ito noong Linggo October 26 hanggang kahapon, October 29.

Saad niya rin na nakahanda na ang kanilang hanay pagdating sa seguridad sa loob at labas ng sementeryo lalo na bukas hanggang November 2.

Posible rin na umabot din sa daang libo ang dumagsa sa Bagbag Public Cemetery dahil noong nakaraang taon ay umabot sa 253,000 ang bumisita mula October 31 hanggang November 2.

Paalala niya rin sa mga bibisita na iwasan na ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng nakakalasing na inumin, pampaingay gaya ng speaker, at matatalim na bagay.

Samantala, hanggang ngayong araw na lang pwedeng maglinis at magpintura sa mga puntod at ang paglilibing.

Kanila ring kukumpiskahin ang mga dalang pintura at panlinis sa mga magdadala nito bukas.

Bukas naman mula alas-6 ng umaga ang sementeryo hanggang alas-10 ng gabi sa mismong araw ng Undas.

Facebook Comments