Bilang ng Business at Tricycle Franchise Renewal sa taong 2020, Bumaba

Cauayan City, Isabela- Bumaba ang bilang ng mga negosyong rehistrado noong nakaraang taon na umabot lang sa 647 habang taong 2019 naman ay naitala ang mataas na bilang sa 941.

Sa kanyang State of the City Address, inihayag ni Mayor Bernard Faustino Dy na bumaba sa 72 ang bilang ng mga business renewed kaya’t nasa kabuuang 3,814 lang para sa taong 2020 kung ikukumpara sa taong 2019 na mas mataas ng kaunti na pumalo sa 3,886.

Naitala naman ang malaking bilang ng mga nakakuha ng occupation permit ng ilang indibidwal na kabilang sa iba’t ibang sektor ng lipunan para sa taong 2019 na umabot sa 16,128 habang 14,491 naman ang naitala sa taong 2020.


Bukod dito, 5, 457 ang mga displaced tricycle driver dahil sa ipinatupad na suspensyon sa transportasyon at tanging 4,939 ang mga nakapag-renew lang ng kanilang tricycle body number para sa taong 2020.

Samantala, malaking bilang rin ng mga stall owners ang naitala ng LGU na umabot sa 5,784 sa taong 2019 at 5,146 lang para sa nakalipas na taon.

Ayon naman sa tsuper na si Nelson Cullana ng Brgy. District 1, hiling nito n asana raw ay maibalik ang new normal para sa mga samahan ng tricycle drivers sa lungsod dahil batid naman ang paisa-isa pasahero bunsod ng nararanasang pandemya dahil sa COVID-19.

Aniya, kulang na kulang ang kanyang kinikita sa pamamasada para tugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya dahil sa limitadong galaw ng mga pampublikong tricycle sa lungsod ngunit alam nya na bahagi ito ng ipinapatupad na health protocol sa pag-iwas sa virus.

Umaasa naman si Cullana na tuloy-tuloy pa rin silang makatatanggap ng tulong sa gobyerno para higit silang makatugon sa pangangailangan ng kanilang pamilya.

Facebook Comments