Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 339 na panibagong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, pumalo na sa 10,343 ang COVID-19 cases sa bansa.
27 naman ang dumagdag sa mga nasawi na umabot na sa 685.
Nadagdagan naman ng 112 ang mga gumaling sa sakit na ngayon ay 1,618 recoveries na.
Ngayong araw, nangunguna ang Region 7 sa may pinakamadaming naitatalang COVID-19 cases na may 205 o 61 percent, sinundan ng National Capital Region (NCR) na may 110 o 32 percent at 24 o 7 percent mula naman sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sinabi din ni Vergeire, na inaasahang madadagdagdan pa ang bilang ng mga Filipino COVID-19 patient ang i-eenroll sa solidarity trial ng World Health Organization (WHO) sa susunod na Linggo.
Aniya, 16 na ospital ang maglilista ng mga pasyenteng magiging bahagi ng pag-aaral na susuri sa pagiging epektibo ng mga posibleng gamot para sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, 40 pasyente mula sa walong ospital sa Pilipinas ang na-enroll na.
Sa nasabing solidarity trial – ikukumpara ng WHO at ng mga bansang kabilang dito ang ilang mga gamot na ginagamit sa COVID-19 treatment sa iba’t ibang bansa.
Apat na magkakaibang gamot at kombinasyon ang susuriin kabilang ang: remdesivir, lopinavir-ritonavir, lopinavir-ritonavir plus interferon beta at chloroquine.