Bilang ng COVID-19 Patient sa CVMC, Malaki ang Ibinaba

Cauayan City, Isabela- Malaki ang ibinaba ng bilang ng mga pasyenteng positibo sa COVID-9 na kasalukuyang naka-admit at binabantayan sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC).

Ito ang kinumpirma ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Batay aniya sa pinakahuling datos ng CVMC ngayong araw, September 21, 2021, nasa 190 na lamang mula sa dating 264 covid-19 patients nitong nakaraang Linggo.


Bagamat bumaba aniya ang bilang ng mga positibong naka-admit sa ospital ay mataas pa rin ang utilization rate na nasa 90 porsyento.

Mula sa 190 COVID-19 patients na binabantayan sa naturang ospital, ang 180 rito ay confirmed cases habang ang sampu (10) ay suspected cases at galing mula sa iba’t-ibang bayan at siyudad sa rehiyon dos.

Samantala, bagamat marami ang kaso ng COVID-19 sa Tuguegarao City ay konting porsyento lamang sa mga ito ang naka admit sa CVMC dahil karamihan sa mga positive cases ng naturang Lungsod ay naka-home quarantine.

Kaugnay nito, hindi pabor si Dr. Baggao sa home quarantine ng Tuguegarao City dahil malaking tiyansa aniya ito ng hawaan ng COVID-19 at mas lalong mabilis ang pagkalat ng virus.

Facebook Comments