Bilang ng COVID beds na nagagamit sa NCR at mga karatig lalawigan, bumaba ayon sa DOH

Sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa, iniulat ng Department of Health (DOH) na may pagbaba na sa trend ng mga nagagamit na COVID beds sa tatlong rehiyon sa bansa.

Ayon sa DOH, partikular na nagkaroon ng konting pagbaba ng trend ng bed occupancy sa mga ospital na may COVID patients sa Metro Manila, Region 4-A at sa Region 3.

Habang napanatili naman ng Region 7 ang pagbaba ng kanilang COVID bed occupancy.


Paliwanag ng DOH, batay sa kasalukuyang utilization rate o occupancy sa mga COVID beds nitong August 19, 2020, nasa 48% ang COVID-19 dedicated beds, 47% sa intensive care unit (ICU), 51% sa ward beds, habang 31% ang mechanical ventilators.

Hindi naman masabi ng DOH na ang pagbaba ng trend sa bed occupancy ay bunga ng pinatupad na 14-day Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Dagdag ng DOH, maaga pa para masabi ito dahil katatapos lamang ng MECQ nitong August 18, 2020.

Maaari rin anila kasing nakabawas sa bed occupancy ang pagdagdag ng gobyerno ng mga kama para sa mga COVID patients, tamang panahon ng pag-discharge sa mga gumaling na pasyente, at ang paglilipat sa temporary treatment at monitoring facilities.

Facebook Comments