Pinalilimitahan ni CIBAC Party-list Representative Bro. Eddie Villanueva ang bilang ng baril at armas na maaaring irehistro ng isang indibidwal.
Ang hirit ni Villanueva ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill 9718, na mag-aamyenda sa Section 9 Paragraph 5 ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ilalim ng panukala ni Villanueva, lilimitahan na lamang sa 20 ang firearm o baril na maaaring irehistro para sa Type 5 License o certified gun collector at sobra ay dapat nilang isuko sa Philippine Nationol Police – Firearms and Explosives Office.
Iniuutos din ng panukala ni Villanueva na dapat isuko sa PNP-FEO ang sobra sa 50 rounds ng ammunition sa kada rehistradong armas.
Giit ni Villanueva, kailangang maghigpit ang estado pagmamay-ari ng baril lalo’t lumalabas na kada taon ay umaabot sa mahigit 117,000 ang mga indibidwal na nababaril kung saan 42,654 dito ang nasasawi.