Bilang ng fireworks-related injuries, pumalo ng higit 100

Umaabot sa 137 ang naitalang bilang ng fireworks-related injuries ng Department of Health (DOH).

Ayon kay DOH Officer-in-Charge Ma. Rosario Vergeire, mula sa 52 ay nadagdagan ng 85 ang biktima ng paputok sa pagsalubong at kalagitnaan ng selebrasyon ng Bagong Taon.

Aniya, naitala ang bilang kaninang alas-6:00 ng umaga kung saan mas mababa ito ng 15% kumpara sa mga naitalang kaso noong taon.


Batay pa sa mga nakuha nilang report, ang National Capital Region (NCR) ang may naitalang mataas na bilang ng kaso sa parehong taon ng 2021 at 2022.

Dagdag pa ni Vergeire, ang Bicol Region na dating zero case ng fireworks-related injuries noong 2021 ay nakapagtala ng pinakamalaking pagtaas ng kaso sa pagsalubong ngayong Bagong Taon.

Nabatid pa na may iilan din ang nasugatan dahil sa paputok sa MIMAROPA at Northern Mindanao.

Nasa pitong rehiyon naman ang nakapagtala ng pagbaba ng kaso ng sugatan sa paputok at ito ay ang Region 3, Region 6, CALABARZON, Region-7, Region-1, Cordillera Administrative Region at BARMM.

Ilan sa naitalang sugatan ay pawang mga kalalakihan na nasa edad 12-anyos pataas at ilan sa mga insidente na ito ay nangyari sa labas ng bahay o kalsada.

Facebook Comments