Bilang ng fireworks-related injury sa lungsod ng Quezon, umakyat na sa 12

Umakyat na sa 12 ang bilang ng mga indibidwal na napinsala ng paputok, ayon sa pinakahuling datos ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QC-ESD).

Mas mababa ito ng 43 porsiyento kumpara sa naitala noong nakaraang taon sa kaparehong panahon.

Ayon sa QC-ESD, labing-isa sa mga nasugatan ay kalalakihan, habang isa naman ang babae.

Sa kabuuang bilang, pito ang may passive involvement o tinamaan lamang ng paputok, habang lima ang may active involvement o direktang humawak at nagpaputok.

Wala pa namang naitatalang insidente ng pagkalunok ng paputok o pagkatamaan ng ligaw na bala sa lungsod.

Tatlo sa mga kaso ay mula sa Barangay Baesa, habang tig-iisang kaso naman ang naitala sa Barangay Commonwealth, Culiat, Matandang Balara, Holy Spirit, Kaligayahan, San Bartolome, Payatas, Pininyahan, at Sauyo.

Nagpaalala ang Quezon City LGU sa publiko na umiwas sa pagpapaputok at gumamit na lamang ng mga alternatibong pampaingay tulad ng torotot, tambol, at musika.

Samantala, pinayuhan ang sinumang mapinsala ng paputok na agad magtungo sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas.

Facebook Comments