Muling nadagdagan ang bilang ng health care workers na tinamaan ng COVID-19 sa gitna ng patuloy na paglaban ng bansa sa nasabing virus.
Sa pinakahuling tala na inilabas ng Department of Health (DOH), umabot na sa 5,644 ang kabuuang bilang ng mga health care worker na nagpositibo sa COVID-19.
Sa nasabing bilang, nasa 4,938 ang nakarekober o gumaling sa naturang sakit.
Nasa 667 ang bilang ng active cases kung saan 486 pawang mild cases at 174 naman ay mga asymptomatic.
Limang health care workers naman ang malala ang kondisyon habang dalawa ay nasa critical condition.
Base pa sa datos ng DOH, aabot sa 39 na health care workers ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Muling pakiusap ng DOH sa publiko na huwag sanang i-discriminate ang mga health care worker kung saan dapat na suportahan at pagkatiwalaan ang mga ito na patuloy na nagseserbisyo at tumutulong na labanan ang COVID-19.