Aabot sa Isang Milyong katao ang inaasahang dadalaw ngayong Undas sa Manila North Cemetery na isa sa pinakamalaking sementeryo sa bansa.
Kaya naman mahigpit na ang ipinapatupad na seguridad sa lugar habang umiiral na rin ang “Zero Vendor Policy’.
Bilang paghahanda, ay inispeksyon ni Manila Mayor Isko Moreno at NCRPO Chief Brig. Gen. Debold Sinas ang Manila North Cemetery upang matiyak na nasa ayos ang ipinapatupad na seguridad.
Mahigpit na bilin ni Mayor Isko sa mga nagbabantay na pulis, maging mapagmatyag sa lahat ng oras at tiyakin ligtas ang mga taong bibisita ngayong Undas.
Samantala problemado naman ang ilang nagpunta sa Manila North Cemetery matapos na hindi na matagpuan ang labi ng mga kaanak.
Imbes na sa puntod, sa main circle ng Manila North nagtirik na lang ng kandila ang mga ito.
Ayon kay Manila North Cemetery OIC- Director Roselle Castañeda, ang main circle ang nagsisilbi ngayong mass grave ng aabot sa 200-buto ng mga tao na natagpuang nakakalat sa ibat ibang bahagi ng sementeryo.