Tumaas ng 34% ang insidente ng sunog sa unang kwarter ng 2024 kumpara sa kaparehong buwan ng nakalipas na taon.
Ito ang inihayag ni Bureau of Fire Protection Spokesperson Fire Superintendent Annalee Atienza sa interview ng RMN Manila kasunod ng kaliwa’t kanang insidente ng sunog sa buong bansa.
Bunsod nito, patuloy na pinaiigting ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang kampanya kontra sunog, tulad nang “Oplan Ligtas na Pamayanan” at “Exit Drill in the Home (EDITH)”.
“Ito nga ang ating Oplan Ligtas na Pamayanan wherein ang mga bumbero nagbabahay-bahay na para kausapin ang communty palakasin ang barangay fire brigade, ganon na rin po ang to the very single household maturuan sila ng edith emergency drill in the home.”
Target din ng ahensya na masolusyunan ang kawalan ng fire stations at fire trucks sa 120 munisipalidad sa bansa.
Pinaalalahanan din ng BFP ang publiko hinggil sa mga safety measures para makaiwas sa sunog.
“Ang ating patuloy na paalala maging conscious gawin ang EDITH O Emergency Drill in the Home, turuan ang mga bata at ang lalo na ang senior citizen, hanggang maaari sa ground floor bigyan ng pahingahan at makisali sa mga programs ng government especially ng barangay gayundin sa Bureau of Fire Protection (BFP), sa kung ano man ang kailangan na any emergencies, i-dial lang ang 911.”