Umabot na sa halos 6.5 milyon ang kakulangan ng pabahay sa Pilipinas.
Ito ay ayon kay Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang mensahe sa ginanap na ceremonial turn over ng ilang pabahay ng pamahalaan sa Cavite kaninang umaga.
Ayon sa pangulo, noong senador sya at naitalaga sa Housing and urban development committee ay 3.5 milyon lamang ang kakulangan ng pabahay sa Pilipinas.
Napakabilis aniya ng pagdami ng bilang ng kakulangan ng pabahay sa Pilipinas na kailangang aksyunan.
Kaya naman natutuwa ang pangulo dahil ngayong araw ay may 30,000 mga benepisyaryo ang makikinabang pabahay ng gobyerno sa iba’t ibang lugar sa buong bansa.
Pero isinagawa lamang ang ceremonial turn over ng certificates of house and lot sa Naic, Cavite.
Sa parkstone estates sa Brgy. Calubcob, sa Naic, Cavite na pinuntahan ng pangulo, sinabi ng National Housing Authority (NHA) na 8,000 housing units ang ipamamahagi sa mga benepisyaryo.
Ang bawat housing unit ay may sukat na 26sqm floor area na may 8sqm service area sa likod.
Ayon sa NHA, hindi libre ang pabahay ng gobyerno dahil sa unang limang taon magbabayad ang benepisyaryo ng minimum amount na ₱600 hanggang ₱800 kada buwan.
At pagkatapos ng limang taon, kada limang taon ay tataas ang presyo ng house and lot hanggang sa matapos ang 30 years to pay.
Ang Local Government Unit (LGU) naman ang tumutukoy ang isang indibdiwal ay kwalipikado para maging benepisyaryo.
Una nang inihayag ng Malacañang na target ng Marcos administration na makapagpatayo ng isang milyong bahay kada taon para sa pamilyang Pilipino hanggang 2028.