Posible pang magtuloy-tuloy ang pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga susunod na linggo.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Spokesperson Maria Rosario Vergeire, ito’y dahilan ng pagtaas ng hawaan ng Delta variant kasabay na rin ng ikinakasang active case-finding sa mga lugar na isinailalim sa granular lockdown.
Aniya, base sa kasalukuyang kalakaran ng kaso ng COVID-19, maaari pang tumaas ang bilang ng mga nahawaan sa kalagitnaan ng buwan ng Setyembre.
Bukod dito, kinumpirma ni Vergeire na ang Delta variant ng COVID-19 ang pangunahin nang sanhi sa pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa.
Pinalitan na ng Delta ang Alpha at Beta variants bilang dominant variant sa buong bansa.
Sa katunayan, kalat na ito sa iba’t ibang rehiyon sa bansa maliban na lamang sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Base sa pinakahuling genome sequencing, umabot na rin sa 69% ang natukoy na tinamaan ng Delta variant sa mga sinuring sample ng mga nagkasakit.
Ibig sabihin nito, nasa 7 mula sa 10 samples na ang nasuri na positibo sa Delta variant.
Sa kabila nito, nagkakaroon naman daw ng bahagyang pagbaba ng aktibong kaso ng virus sa National Capital Region Plus (NCR+) areas habang nasa higit 51% naman ang naitatalang active cases mula sa ibang probinsiya.