Kinumpirma ng health department ng lungsod ng Taguig na meron itong mga bagong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Batay sa kanilang datos, pasado alas 9:00 kagabi, nakapagtala ito ng 11 bagong pasyente na tinamaan ng virus.
Ito ay nagmula sa Barangay Bagumbayan, Central Bicutan, Lower Bicutan, Napindan, Pinagsama, Upper Bicutan at Ususan.
Dahil dito, umakyat na ang kabuuang bilang ng COVID-19 confirmed cases sa 495.
Mula sa nasabing bilang, 21 sa kanilang ang nasawi at 112 naman ang mga nakarekober.
Nasa 362 na ang active cases sa lungsod.
Umabot naman ang suspected cases ng 1,682 mula January 27 hanggang kahapon ng gabi June 10, 2020.
Ang Barangay Fort Bonifacio pa rin ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 kumpara sa lahat ng barangay ng Taguig City, kung saan meron itong 60 mga residente ang infected ng virus.
Wala naman sinabing dahilan ang Taguig City Government kung bakit patuloy pa rin ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod.