Bilang ng kaso ng UK variant ng COVID-19 sa Pilipinas, pumalo na sa 25

Umabot na sa 25 ang kabuuang bilang ng kaso ng UK variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Health (DOH), University of the Philippines-Philippine Genome Center (UP-PGC) at ang UP-National Institutes of Health (UP-NIH) ang karagdagang walo pang kaso ng B.1.1.7 variant (UK variant).

Base sa tala, tatlo mula sa karagdagang walong kaso ay nagmula sa Bontoc, Mountain Province kung saan dalawa ang babae na edad 25 at 54 na close contact ng una nang naitalang kaso ng bagong variant; habang ang isa naman ay isang 31-anyos na lalaki na bineberipika pa kung saan nahawa.


Ang 54-anyos na babae ay naka-rekober na habang patuloy pang inoobserbahan ang dalawa.

Samantala, ang pang-apat at panlimang kaso ay nagmula sa La Trinidad, Benguet kung saan ang pang-apat ay isang 15-anyos na babae, kamag-anak ng una nang naitalang tinamaan ng sakit sa Benguet; habang ang isa ay 84-anyos na lalaki na pumanaw na nitong January 24, 2021 at wala namang anumang history o contact sa una nang naitalang kaso.

Pawang naman Returning Overseas Filipinos (ROF) ang pang-anim at pang-pitong kaso kung saan ang una ay isang 29-anyos na babae na dumating mula sa United Arab Emirates noong January 7, 2021 lulan ng Philippine Airlines flight PR 659; habang ang isa ay 54-anyos na lalaki na may local address sa Talisay, Cebu. Ang dalawa ay parehong naka-rekober na sa sakit.

Nagmula naman sa Liloan, Cebu ang pangwalong kaso na isang 35-anyos na lalaki na ang sample ay nakolekta nitong January 17 at kasalukuyang mayroong mild disease.

Sa ngayon, patuloy pang inoobsebahan ang pangwalong kaso at inaalam kung mayroon itong travel history.

Tiniyak naman ng DOH sa pamamagitan ng kanilang Centers for Health Development at ng Local Government Units (LGUs) ay patuloy silang magbabantay at magsasagawa ng contact tracing para matukoy ang iba pang nakalasamuha ng nasabing mga kaso.

Facebook Comments