Inihayag ng Department of Education (DepEd) na mas tumaas pa ang bilang ng enrollees sa bansa na lumipat sa public schools mula private schools.
Batay sa tala ng DepEd kahapon, nasa 393,405 na ang kabuuang bilang ng mga estudyante na nag-transfer sa public mula sa pribadong paaralan at State Universities and Colleges (SUCs) ng bansa.
Mula sa nasabing bilang, 240,888 nito ay mga mag-aaral sa elementarya at 105,510 naman ay mga mag-aaral ng Junior High School.
Kasama rin dito ang Senior High School na mayroon ng 40,506 transferees at 6,502 naman ay mga mag-aaral na kabilang sa Learners with Disabilities (non-graded).
Noong July 16, 2020, meron pa lang mahigit 328,000 na mag-aaral ng pribado at SUCs ang lumipat sa public schools ng bansa.
Una nang inihayag ni DepEd Secretary Leonor Briones na dahil sa pagbagsak ng ekonomiya ng bansa bunsod ng COVID-19 pandemic ang dahilan kung bakit maraming mga magulang ang inilipat ang kanilang mga anak sa mga public school ng bansa.
Sa kabila nito, tuloy na tuloy pa rin ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24, 2020 para sa School Year 2020-2021.