Bahagyang tumaas ang bilang ng mag-aaral na nagbalik eskwela ngayong araw sa buong bansa para sa School Year 2020-2021 kung saan umiiral na ang distance learning.
Batay sa datos ng Department of Education (DepEd), mula sa kabuuang bilang ng mahigit 24.72 milyong mag-aaral na naka-enroll noong Biyernes, ngayong araw bago magtanghali, tumaas pa ito sa mahigit 24.75 milyong enrollees.
Ito ay katumabas ng 89.13% mula sa kabuuang bilang ng nagpa-enroll noong nakaraang taon kung saan umabot ito ng mahigit 27 milyong mag-aaral.
Sa 24.75 million enrollees, mahigit 22.52 milyon nito ay mga mag-aaral na nagpa-enroll sa pampublikong paaralan.
Habang ang mahigit 2.173 milyon naman ay mga mag-aaral na piniling magpa-enroll sa pribadong paaralan sa bansa.
Kahit nagsisimula ang School Year 2020-2021, iginiit ng DepEd na patuloy pa ring tatanggap ng gustong magpa-enroll ang mga pampublikong paaralan sa bansa hanggang sa katapusan ng Nobyembre ngayong taon.