Bilang ng medical frontliners na nahahawaan ng COVID-19 sa anim na district hospital sa lungsod ng Maynila, mas dumadami na

Inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na dumadami na ang bilang ng mga medical frontliner sa kanilang lungsod na tinamaan ng COVID-19.

Ayon kay Mayor Isko, ang mga nasabing medical frontliners na nahawaan ng virus ay yung mga hindi pa nabakunahan.

Bagama’t hindi na ibinahagi ang kumpletong bilang, sinabi ng alkalde na nasa 0.34 percent ng mga medical frontliners mula sa anim na district hospitals ang hindi nahawaan ng virus.


Aniya, ang mga medical frontliners na ito ang mga naunang tumanggap ng bakuna kontra COVID-19 kung saan nakasama nila ang mga nagpositibo ng dalawang linggo pero hindi sila nahawaan.

Dahil dito, muling iginiit ni Mayor Isko ang kahalagahan ng pagbabakuna kahit na ano pa ang maging brand nito para mayroon panlaban kontra COVID-19.

Pero kahit na nabakunahan na, muling ipinaalala ni Moreno na nararapat pa rin pairalin ang minimum health protocols dahil paliwanag niya na wala pang nagpapatunay na ligtas na COVID-19 ang isang indibwal na nabigyan na ng bakuna.

Nadismaya naman ang alkalde dahil sa pagkaka-antala ng pagdating ng mga bakuna kaya’t habang wala pa, kinakailangan daw na mag-doble ingat upang hindi mahawaan ng virus.

Facebook Comments