Umaabot na sa 358 na accommodation establishments ang pinayagan ng gobyerno na makapag-operate sa Boracay Island.
Sa pinakahuling datos ng Department of Tourism (DOT) nitong June 4 2019, nakasaad na nasa kabuuang 12,952 rooms ang maaaring i-book ng mga bakasyunista na nais bumisita sa kilalang tourist destination.
Nadagdag dito ang 5 establishemento na mayroong 45 kwarto.
Kabilang ang Fairways and Blue Water Resort at Savoy Hotel Boracay sa Barangay Yapak na may pinakamaraming bilang ng accredited na kwarto sa isla.
Kinakailangang magkaroon muna ng permit at clearance mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga establishemento bago sila payagang makapag-operate sa Boracay.
Matatandaang muling binuksan sa mga turista ang Boracay matapos ang anim na buwang pagsasara sa isinagawang rehabilitasyon.