
Umakyat na sa 41,297 pamilya o katumbas ng mahigit 201,000 indibidwal ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng habagat at Bagyong Jacinto.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang mga biktima ay mula sa CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, CARAGA, at BARMM.
Sa nasabing bilang, nasa 5,000 indibidwal ang nanunuluyan sa 16 na evacuation centers sa mga apektadong rehiyon.
Samantala, 55 mga lugar pa rin ang lubog sa baha sa BARMM kung saan sentro ito ngayon ng tulong ng pamahalaan.
Base pa sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 445 na kabahayan ang nasira ng sama ng panahon, 425 dito ang partially damaged, habang 20 ang totally damaged.
Sa ngayon tig-isang kalsada na lamang mula sa MIMAROPA at Davao city ang hindi madaraanan ng mga motorista.









