Bilang ng mga apektadong indibidwal bunsod ng pagtama ng magkakasunod na Bagyong Opong, Nando, at Mirasol, lumobo pa sa mahigit 2.7 million

Bagama’t nakalabas na ng bansa ang Bagyong Opong, lumobo pa sa 739,263 pamilya o katumbas ng mahigit sa 2.7M na indibidwal ang apektado ng magkakasunod na bagyo.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang mga apektado ay mula sa 6,902 na barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Gitnang Luzon, National Capital Region (NCR), CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Negros Island Region, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, CARAGA, at BARMM.

Sa nasabing bilang, mahigit 163,000 na katao pa ang pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa mga nabanggit na rehiyon.

Base pa sa datos ng NDRRMC, 26 na ang naiulat na nasawi, 33 ang sugatan o nasaktan, at 14 ang naitalang nawawala.

Sa ngayon, mayroong 50 na kalsada at 14 na tulay ang hindi muna madaraanan ng mga motorista.

Problema rin ang kawalan ng kuryente, tubig, at linya ng telekomunikasyon sa ilang rehiyon, partikular na sa Masbate.

Nakapagtala rin ang NDRRMC ng 8,916 na mga kabahayan ang winasak ng sama ng panahon — 1,619 dito ang partially damaged, at 8,916 ang totally damaged.

Sa ngayon, nasa ilalim ng State of Calamity ang 53 na siyudad at munisipalidad sa bansa.

Facebook Comments