Sumampa na sa 2,553,023 katao o katumbas ng 714,360 na pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Enteng at habagat sa 10 rehiyon sa bansa.
Sa huling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na rin sa mahigit P698.9 million ang pinsala ng kalamidad sa imprastraktura kung saan mahigit 500 na pasilidad gaya ng mga kalsada, paaralan, flood control, tulay at gusali ng gobyerno ang naapektuhan.
Nasa 7,622 na kabahayan naman ang napinsala kung saan 493 ang totally damaged at 7,129 ang partially damaged.
Umabot na rin sa P658.9 million ang nalimas ng bagyo sa sektor ng agrikultura na nakaapekto sa 27,596 na magsasaka at mangingisda.
Sa kabuuan, nasa 39 na syudad at munisipalidad na ang isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng bagyo.