Nasa dalawang daan at tatlumpu’t walong public vendors ang naging apektado matapos natupok ng apoy ang Bani Public Market noong Dec 29, bandang alas 10 ng gabi.
Sa ilang panayam sa mga biktima ng nasunugan ng stalls, wala umanong naisalba ang karamihan at ang iba naman ay humiram pa ng pamuhunan para sa hanapbuhay at inaakalang kikita ang mga ito lalo na sa pagsapit ng Bagong Taon.
Patuloy pa rin hanggang ngayon ang isinasagawang imbestigasyon upang malaman ang kabuuan ng pinsala ng sunog.
Nakipagpulong din si Gov. Ramon Guico III ng Pangasinan sa lokal na pamahalaan ng Bani upang pag-usapan at pag-aralan ang mga isasagawang hakbang sa pagpapaabot ng tulong sa mga nasunugan.
Pansamantala namang magpapatayo ang LGU Bani katuwang ang Provincial Government ng Pangasinan ng isang makeshift para may masilungan ang ibang stall owners.
Siniguro rin na walang naitalang nasugatan sa nangyaring sunog. |ifmnews
Facebook Comments