Umabot na sa mahigit 10 milyong bakuna kontra COVID-19 ang naipamahagi sa Pilipinas.
Sa inilabas na datos ng Department of Health (DOH) ngayong araw, sumampa na sa 10,065,414 doses ng bakuna ang naipamahagi sa aabot sa 1,231 vaccination sites.
Kabuuan ito na 7,538,128 na nakatanggap ng first dose at 2,527,286 na tumanggap ng second dose o fully vaccinated na.
Nakapagtala naman ang bansa ng average na 236,867 doses kada araw nitong nakalipas na mga linggo.
Sa ngayon, sa kabuuang 8 milyong senior citizen na target na mabakunahan, 2,288,221 na ang nakatanggap ng first dose at 672,602 ang fully vaccinated na.
Habang sa hanay naman ng mga persons with comorbidities, 2,566,460 na ang nakatanggap ng first doses at 710,846 ang fully vaccinated na malayo pa rin sa 7 milyong tinatarget ng pamahalaan.
Layon ng gobyerno na maabot ang target na 50 hanggang 70 milyong mga Pilipino na mabakunahan ngayong 2021.