Bilang ng mga batang tinamaan ng COVID-19 sa bansa, umakyat na sa mahigit 15,000; DOH, hindi pabor na payagan nang lumabas ng bahay ang mga bata!

Hindi pabor ang Department of Health sa panukala ng Department of Trade and Industry na payagan nang makalabas at makapunta sa mga mall ang mga batang edad sampu pataas.

Sa interview ng RMN Manila kay DOH-Knowledge Management and Information Technology Service (KMITS) Head Asec. Eric Tayag, binigyan diin nito na hindi niya personal na inirerekomenda ang pagpapalabas sa mga bata lalo na ngayon na kumpirmadong may bagong variant na ng COVID-19 sa bansa.

Giit ni Tayag, walang kasiguraduhan na hindi mahahawa ang mga ito kahit pa lumabas sa pag-aaral sa ibang bansa na mas mataas ang immunity ng mga bata.


Batay sa datos ng DOH, as of January 3, 2021, pumalo na mahigit 15,000 ang mga batang edad siyam na taong gulang pababa ang tinamaan ng COVID-19, kung saan nasa 110 na ang nasawi habang 14,412 ang gumaling.

Pinakamaraming kaso na naitala ay sa Metro Manila na pumalo sa 6,352.

Kaya naman, bukod sa hindi pagpapalabas sa mga menor de edad, hinihikayat din ni Tayag ang publiko na huwag munang tumanggap ng mga bisita sa kanilang mga tahanan dahil sa posibilidad na maging carrier sila ng virus.

Facebook Comments