Bilang ng mga biktima ng paputok na isinugod sa Jose Reyes Medical Center, nasa 20

Hindi alintana ng ilan sa ating mga kababayan ang pagdiriwang ng Bagong Taon sa kabila ng pagbuhos ng ulan kagabi hanggang kaninang madaling araw.

Isinugod sa Jose Reyes Medical Center sa Tondo, Maynila ang 23 biktima ng paputok kung saan tatlo rito ay pawang mga menor de edad.

Karamihan sa mga naputukan ay biktima ng 5-star, triangulo, whistle bomb, luces, baby rocket at iba pa.


Umabot naman sa lima ang isinugod sa ospital ng Amang Reyes Memorial Medical Center sa Marikina.

Nasa tatlong katao naman ang idinala sa Pasig City General Hospital matapos maputukan ng kwitis.

Dalawa naman ang isinugod sa MCU Hospital sa Caloocan City kung saan ang isa ay tinamaan ng pailaw sa paa habang ang isa ay napaso ng kwitis.

Apat naman ang naitalang nasugatan sa Caloocan Medical Center.

Sa Ospital ng Malabon, nasa tatlo pa lamang ang naitatalang biktima ng paputok.

Wala pang naitalang sugatan ng paputok sa Fatima Medical Center at sa Valenzuela Medical Center.

Bago magpalit ang bagong taon, walang naitalang nabiktima ng paputok sa East Avenue Medical Center.

Sa datos ng Department of Health (DOH) mula December 21 hanggang 31, 2018 ay umabot lamang sa 55 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok.

Mas mababa pa rin ito kumpara sa kaparehas na panahon noong 2017.

Matatandaang naglabas ng Executive Order si Pangulong Rodrigo Duterte na layong iregularisa ang mga pagbebenta ng firecrackers at pyrotechnics.

Facebook Comments