Bilang ng mga biktima ng paputok sa Quezon City, umabot na sa 35

Umabot na sa 35 ang naitalang firework-related injuries sa Quezon City matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Batay sa pinakahuling tala ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, mas mababa ito ng 67 percent kumpara sa bilang ng mga napinsala ng paputok sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa kabuuang bilang ng mga kaso, 29 ay lalaki at anim naman ang babae, kung saan 19 sa mga biktima ay edad 19 pababa.

Dalawampu’t apat sa mga kaso ang itinuturing na passive involvement o yaong mga tinamaan lamang ng paputok, habang 11 naman ang may active involvement o mismong humawak at gumamit ng paputok.

Wala namang naitalang kaso ng firework ingestion o paglunok ng paputok, at wala rin umanong tinamaan ng ligaw na bala.

Sa kabila nito, patuloy na pinapaalalahanan ng Quezon City local government ang mga residente na mag-ingat at hinihikayat ang publiko na iwasan na lamang ang paggamit ng paputok para sa mas ligtas na pagdiriwang.

Facebook Comments