Nabawasan na ang mga biyahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong umaga o mismong araw ng Pasko.
Kung ikukumpara kasi noong December 23 taong kasalukuyan, naitala ang record breaking na foot traffic sa terminal na umabot sa mahigit 200,000 na mas mataas sa 160,000 na naitala noong December 22.
Ayon kay PITX Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, bumalik na sa daily average ang mga pasahero ngayon sa terminal at inaasahang dadagsa ito pagkatapos pa ng Pasko.
Aniya, may ilan pa rin kasi na uuwi para naman sa selebrasyon ng Bagong Taon lalo na ang mga hindi nakauwi ngayong Pasko.
Sa datos ng pamunuan ng PITX, nasa 24,928 pa lamang ang pasahero ngayon na gumamit ng terminal.
Dagdag pa ni Calbasa, tuloy-tuloy pa rin naman ang ilang biyahe at nananatiling operational ang terminal sa ilang mga destinasyon sa probinsya.
Sa ngayon, may ilang bus company naman ang nagdeklara na ng fully booked, hanggang January 2024 ngunit may nakaantabay naman na special trips o additional trips para umalalay sa mga pasahero.
Samantala, patuloy naman ang pag-iikot ng Philippine National Police (PNP) sa mga terminal ng bus at pantalan para pa rin matiyak ang safety ng mga maguuwian ngayong yuletide season.